Magkahalong saya at lungkot ang naramdaman ko nang dumating ako sa Amerika. Masaya dahil makakasama ko na si Papa, kahit isang buwan lang. Mahirap sa akin na malayo si Papa dahil siya lang ang nagpalaki sa akin, pero negosyante siya at siya mismo ang nagsasabi sa akin na unahin ang negosyo dahil iyon ay para sa susunod na henerasyon. Malungkot dahil sa tuwing magkikita kami ni Papa, tinatanong niya kung kailan ko siya bibigyan ng apo. Hindi alam ni Papa ang kalagayan ko. Hindi ko masabi dahil takot ako na atakihin siya sa puso dahil sa dismaya.
Sanay na ako na hindi sinasalubong sa airport. Dumiretso ako sa bahay ni Papa at laking gulat ng hindi siya ang unang taong sumalubong sa akin.
Si Ingrid.
—
Iyon na ata ang pinakamasalimuot na Pasko na dinanas ko. Hindi ko binuo ang planong pagtatagal ng mahigit isang buwan sa Amerika. Halos nagugol ang oras ko doon sa pakikipag usap kay Papa, kay Ingrid, at sa doktor. Tatlong linggo ako doon. Tatlong linggo na hindi ko nakuhang tawagan si Dimple. Tatlong linggo na tuliro ang isip.
Bumalik ako sa Pilipinas pero hindi negosyo ang inuna ko. Kailangan ko maka-usap si Dimple. Kailangan kong magdesisyon. Kailangan ko si Dimple.
Tinawagan ko siya pagdating ko sa condo. Wala pa daw siyang pasok. Tinanong ko kung pwedeng sa condo na lang siya matulog at mabilis naman siyang pumayag. Sinundo ko siya sa kanto malapit sa bahay nila. Tuwang-tuwa siya nang makita ako. Kakapasok pa lang niya ng sasakyan ay halik agad at yakap ang sinalubong niya sa akin.
Nagdinner kami sa labas. Hinayaan ko siyang magkwento kung ano ang nangyari noong Pasko at Bagong Taon. Masaya siya, madaldal. Pinanood ko lang siya na magkwento. Lumalabas ang dimple niya kapag mabilis at animated siyang magsalita. Pansin ko na suot niya ang kwintas na bigay ko.
Pagdating sa condo ay niyakap niya ako. “I really missed you, hon.”
“I missed you too. Hindi mo lang alam.”
“Kumusta ang papa mo? I’m sure nag bonding kayo, no?” usisa niya. “Wait, ang chocolates ko?”
Natawa ako. Wala lang binilin na kahit ano nung umalis ako. Kahit ilang beses ko siyang kinulit, wala daw siyang ipabibili. Biro niya ang tungkol sa chocolate. Niyakap ko siya. Mahigpit.
“Hon, you’re quiet. May problema ba?” Hindi ako nakasagot agad. Niyaya ko lang siya na pumunta sa kwarto at ng makahiga kami. Naupo ako, nakasandal sa ulunan ng kama, pagod sa biyahe, pagod sa pag-iisip. Umupo siya sa tabi ko at hinawakan ang aking kamay. “What’s wrong?”
Tumingin ako sa kanya. Ayoko sabihin sa kanya, ayoko malaman niya. “Mahal mo ako, di ba?”
“Oo naman.”
“Hindi mo ako iiwan, di ba?”
Natigilan siya. “Hon, you’re scaring me.”
Napabuntong hininga ako. She needs to know. I need to know her decision so I can make mine.
“Dimple… “
“Yes, hon?”
“I’m married.”
Natulala si Dimple. Binitawan niya ang kamay ko. “You’re kidding, right?”
Hindi ako sumagot. “Oh, God, please tell me you’re just kidding. Please.” Sabi ni Dimple. Parang tinusok ang puso ko nang makita ang mga luha niya.
Niyakap ko siya. Hindi siya pumalag, hinayaan lang na akapin ko siya at isandal sa dibdib ko. Tahimik ang pag-iyak niya, pero ramdam ko ang panginginig ng katawan ni Dimple. Alam ko na umiiyak siya. Hindi ako nagsalita agad. Alam ko, alam ko na masasaktan siya sa sasabihin ko.
“Why didn’t you tell me? Why are you telling me now?”
Bakit nga ba? Dahil natuwa ako sa kanya. Dahil hindi ko inaasahan na hahantong sa ganito ang pakikipag-chat ko sa kanya. Dahil napamahal na siya sa akin. Dahil takot ako na mawala siya. Dahil ngayon, kailangan kong magdesisyon. Dahil ngayon, gusto kong marinig na sabihin niya sa akin na huwag ko siyang iwan.
“Tell me. I need to know. Please.”
Hindi ko alam kung paano at saan magsisimula. Hinigpitan ko lang ang yakap sa kanya. Kumawala siya sa yakap ko at humarap sa akin. “Tell me.”
Nagkasya ako sa paghawak na lang sa kamay niya. Tinitigan ko ang kanyang kamay at inumpisahan ang pagpapaliwanag.
Asawa ko si Ingrid. Maaga kaming nag-asawa dahil nahuli kami ni Papa na naghahalikan sa loob ng kotse. Kaibigan ni Papa ang ama ni Ingrid at ang dalawang matanda ang nagplano ng lahat. Para sa kanila, desisyong maganda na ipakasal kami. Maganda dahil magkaibigan sila. Maganda dahil sa pagpapakasal namin ay magme-merge din ang mga kumpanya nila.
Nagsisimula pa lang noon ang relasyon namin ni Ingrid, hindi pa namin lubos na kilala ang isa’t isa noong magpakasal kami. Pero pareho kaming sunod-sunuran sa mga magulang. Matapos kaming ikasal, doon lang talagang may nangyari sa amin.
Hindi naman masamang tao si Ingrid, kahit pa laki siya sa layaw. Naging mabuting asawa naman siya sa akin, pero nagbago siya matapos ng dalawang taon. Lahat kami sabik na magkaroon ng bata sa bahay, dahil pareho kaming solong anak ni Ingrid. Nagbago siya nang malaman na hindi ako magkaka-anak.
Pinilit kong ayusin ang lamat ng relasyon namin. Sa tuwing haharap ako sa doctor, sa bagong specialist, dadaan sa bagong test, nilulunok ko ang pagkalalaki. Gusto kong magkaron ng anak. Kahit isa lang. Bilang pagpupuno sa kakulangan ko, sinigurado kong naibigay ko kay Ingrid ang lahat. Alahas, pera, layaw. Naging mabait ako sa kanya. Pinadama ko sa kanya na siya ang reyna sa buhay ko.
Ilang ulit kong sinubukan na kumbinsihin siya na mag-ampon. Pero matigas si Ingrid. Ayaw niya ng hindi niya kadugo. Halos isang beses ko na lang mkasabay sa pagtulong si Ingrid dahil nag umpisa siyang lumabas-labas at nahumaling sa casino. Hindi ko siya sinita, alam kong doon niya ibinuhos ang frustration na nararamdaman. Naging tapat ako, kahit pa pasimula na malaman niyang baog ako ay hindi na siya pumayag na magtalik kami.
Dumating sa punto na suko na ako at naisipang ipawalang-bisa ang kasal pero hindi pumayag si Ingrid. Ayon sa kanya, hindi iyon matatanggap ng kanyang ama. Pareho kaming natali sa kasal, nakatira sa iisang bahay, humaharap sa mundo bilang mag-asawa pero sa loob ng apat na pader ng kwarto, para kaming mga robot na walang emosyon.
Hangang isang gabi na nadatnan ko si Ingrid na may kasiping na iba.
Linisan ko ang bahay namin at pinili na tumira sa Manila kung saan ako nagconcentrate sa negosyo, sa trabaho. Isang taon matapos kong lumipat, nabalitaan ko na namatay ang Papa ni Ingrid, umuwi ako para magbigay galang, at doon napagkasunduan namin na wala na talaga kami. Pero hiniling ni Ingrid na ipagpaliban ang annulment dahil kakapanaw lang ng kanyang ama.
Hindi ko alam na nagpunta na pala siya sa Amerika. Nagulat ako ng salubungin niya ako sa bahay ni Papa, wala na ang galit at sakit nang ginawa niyang pagsiping sa iba. Pero hindi ko inasahan na makikita ko siya doon. Alam ni Papa na wala na kami ni Ingrid, pero hindi niya alam na nagtaksil ito sa akin.
Si Papa ang nagpaliwanag ng sitwasyon sa akin. May sakit si Ingrid, cancer. Hiniling ni Ingrid, at ni Papa na makipagbalikan ako sa kanya. Hiniling na samahan ko si Ingrid, dahil sa sakit niya. Sinabi ni Papa na asawa ko ang babaeng iyon at obligasyon ko na alagaan siya.
“What did you say?” tanong ni Dimple.
Hindi ako sumagot. Sinabi ni Papa na kung hindi ko gagawin iyon, hindi ako matinong tao. Na hindi ako desente, hindi maginoo. Alam ko na may punto si Papa. Alam ko rin, na kahit hindi ko na siya mahal, asawa ko pa rin siya. Pero handa akong talikuran si Ingrid at si Papa, kung sasabihin ni Dimple na huwag ko siyang iwan.
“I havent decided yet.”
Tumingin sa akin si Dimple. Muli ko siyang niyakap at sabay kaming nahiga sa kama. Tahimik lang kami, ang ulo niya ay nasa dibdib ko. Paminsan minsan ay naririnig ko ang pag-iyak niya.
Matagal, napaka-tagal ng gabi na iyon. Hindi kami nag uusap, hangang maramdaman kong nakatulog ang aking nobya. Noon lang ako nakatulog.
Pag gising ko, wala na si Dimple sa tabi ko. Lumabas ako ng kwarto at hinanap siya, pero tahimik ang condo. Wala si Dimple.
Pumunta ako sa kusina, sa lamesa ay isang papel at ang kwintas na ibinigay ko.
Maiksi lang ang sulat. Sinabi niya na mahal niya ako. Sinabi niya na hindi siya galit, na huwag akong mag-alala. Sinabi niya na tama si Papa. Wala daw akong obligasyon sa kanya, pero meron akong obligasyon sa babaeng pinakasalan ko. Sinabi niyang kailangan ako ni Ingrid.
—
Sampung taon na mula nang makilala ko si Dimple. Ilang beses ko siyang pinuntahan, tinawagan. Hindi niya ako kinausap. Hindi niya ako hinarap. Makita pa lang niya ang kotse ko ay agad na siyang lumalayo. Nagpalit siya ng numero ng telepono. Inisip ko ring puntahan siya sa bahay, pero hindi ko itinuloy dahil ayaw kong mapahamak siya sa kanyang pamilya.
Sampung taon. Iniwan ko ang negosyo sa Manila at bumalik ng Amerika para samahan si Ingrid at si Papa. Hindi nagtagal, pumanaw si Papa, dahil na rin sa edad niya. Bago siya nawala, sinabi niya sa aking masaya siya na ginawa ko ang tama. Sana ay sumang-ayon ang loob ko sa sinabi ni Papa, pero hindi.
Naging mabait si Ingrid sa akin. Humingi siya ng tawad sa pagtataksil niya. Sinabi niyang sana ay pumayag na lang siya na mag-ampon kami. Pero huli na ang lahat dahil unti-unti na siyang nauupos nang mga panahon na iyon. Apat na buwan matapos mawala si Papa, sumunod si Ingrid.
Bumalik ako sa Pilipinas pagkatapos ng tatlong taon. Hinanap ko si Dimple, pero wala na sila sa dating tinitirhan. Ang sabi ng kapitbahay nila, nag-abroad daw si Dimple.
—-
Sampung taon. Kung kailan hindi na ako umaasa na makikita siyang muli, nakasalubong ko si Dimple sa Starbucks.
Bilugan pa rin ang katawan, malusog pa rin at mahaba ang buhok. Pero wala na ang ere ng kapilyahan. Wala na ang ere ng kabataan.
“Daniel?”
Kilala pa rin niya ako. Malambing pa rin ang boses niya. Pina-unlakan niya ang imbitasyon kong magkape kami.
Nalaman ko na hindi na siya nakatapos ng pag-aaral. Totoong nag-abroad siya, pero ilang buwan lang at umuwi rin siya. Hindi maganda ang experience niya doon. Tinanong ko kung bakit hindi siya nag-graduate. Pera, sagot niya. Pinili niyang magtrabaho kesa mag-aral para tumulong sa pamilya niya.
“Bakit hindi ka lumapit sa akin? Bakit hindi ka humingi ng tulong? Bakit ka nawala?” Nagalit ako, kalmado man ang boses, galit ako. Kung hindi ako nawala, makaka graduate siya. Kung hindi siya lumisan, hindi siya mahihirapan.
Tumingin siya sa akin. “I left you not because I didn’t love you. I left you so you wouldn’t have a hard time deciding. Ayokong mahirapan ka.”
Nangilid ang luha ni Dimple. “Minahal kita, pero noon, kailangan ka ng asawa mo. Alam ko, naniniwala ako, minahal mo ako. Kung hindi ako umalis, masasaktan lang ako lalo. Mahihirapan ka lang dahil maaawa ka sa akin.”
“Pero bakit hindi ka lumapit sa akin? Bakit ka tumigil sa pag-aaral?”
Her eyes flashed, alam kong mataas ang pride niya. “I don’t need your money. Babalik din ako sa school, pag ayos na ang mga kapatid ko. Pag may naipon na ako.”
Ngumiti siya at kinuha ang kamay ko. Hinawakan ng mahigpit. “Don’t worry about me, Daniel. I’ll be fine.”
Pumayag siya na ihatid ko siya sa bahay nila. Bago bumaba ng kotse, ibinigay ko sa kanya ang kwintas na binigay ko sa kanya noon. Ang kwintas na iniwan niya nang iwan niya ako. Pasimula nang araw na iyon, hindi ko na inalis sa pitaka ko ang kwintas niya.
Isinuot ko iyon kay Dimple. Ngumiti siya at yumakap.
Iyon ang huling beses na nakita ko si Dimple.
Minsan iniisip ko kung pwedeng dugtungan ang napatol na kahapon. Minsan, iniisip ko na suyuin siya. Pero matanda na ako. Bata pa siya, may buhay na pilit binubuo. Kung papayag siya, gusto ko siyang tulungan. Pero hindi ko siya pwedeng itali sa akin. Ayaw kong maging alagain niya pagdating ng araw.
She left me before and I understand her reason. I am thankful that she made the decision for me. Though sometimes, I still wish that she was selfish and asked me to stay with her. I would have stayed.
This time, I am the one walking away.
**** Thank you for following the series. Thank you for appreciating the attempts at writing of an amatuer. I am very grateful for the comments you gave. For those who expected a happy ending, I’m sorry. Life is just not a fairy tale. Some asked if this story is true. The answer – yes. Lahat ng incident, totoo. Based on different guys lang. I hope the next stories I will write will be welcomed as warmly as the Dimple series. As much as I enjoyed writing this (and reminiscing), its time to move on. ****